IBALON

Ayon sa salaysay ni Padre Jose Castaño, batay sa narinig niyang kuwento ng isang manlalakbay na mang-aawit na si Cadugnong, ang epikong Ibalon ay tungkol sa kabayanihan ng tatlong magigiting na lalaki ng Ibalon na sina Baltog, Handiong, at Bantong. Ibalon ang matandang pangalan ng Bikol.

Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo. Siya’y nanggaling pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan. Siya ang kinilalang hari ng Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao. Subalit may muling kinatakutan ang mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga pananim. Si Baltog ay matanda na upang makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.

Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang buwaya, mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao. Napatay nila ang mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na tinig. Ito ay si Oriol. Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.

Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na pagsasaka. Ang mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga tao ng maraming bagay.

Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na Iluad at ng iba pang kagamitan sa pagluluto.

Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng kauna-unahang bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.

Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang sumipot. Ito ay kalahating tao at kalahating hayop. Siya si Rabut. Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na kanyang maengkanto. May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato. Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.

Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang natutulog.

Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si Rabut, dapat ay binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito. Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa pamamagitan ng isang napakalaking baha.

Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang ilang nakaakyat sa taluktok ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon. Nagpanibagong buhay ang mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.

Matandang kasaysayan ng Ibalon:

 Ang panahong nasasaklaw ng matandang kasaysayan ng Kabikulan ay nagsimula noong sinauna hanggang sa pagdating ng mga Kastila sa pangunguna ni Juan Salcedo noong 1573. Ibalon o Ibalnon ang naging tawag ng mga Kastila sa pook na ito at sa pangalang ito naunang nakilala ang lupain ng mga sinaunang bikolano. Ang naging batayan nito ay ang ibal o ibay na siyang kauna-unahang pangalan ng tangway ng Bikol. Ang ibal ay salitang pinaikli na ang Ibalyo (Bikol) o Ibaylo (Bisaya) na nangangahulugang maging tawiran mula sa Bisaya patungo sa kabilang ibayo sa dakong timog Luzon.

Katangian ng Epikong Ibalon:

 Ito ay binubuo ng animnapung saknong na may apat na taludtod ang bawat saknong. Ang sukat ay labindalawang pantig ang bawat taludtod. Ito ay isinalin ni Fr. Jose Castaño sa Kastila. Ang kayarian ng epikong Ibalon ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay ang kahilingan ni Iling kay Kadugnung na awitin nito ng huli ang mga pangyayaring nagpapakilala sa kabayanihan ng bayaning si Handyong. Ito ang nilalaman ng unang bahagi na may anim na saknong.

Ang ikalawang bahagi naman ay ang awit ni Kadugnung na naglalaman at naglalahad ng mga pangyayaring naganap noong matagal na panahon.

ILING – isang ibon na laganap sa Kabikulan at kung inaalagaan ay maaaring turuang bumigkas ng ilang salita.

KADUGNUNG – mang-aawit at matalinong makata at sa kahilingan ni Iling ay inawit niya ang epiko. Siya ang nagsalaysay ng epiko kay Fr. Jose Castaño.

(Batay sa pagsasaliksik ni Ester E. Tuy)
Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: